Tuguegarao City- Umapela ang Commision on Human Rights (CHR) sa kongreso na rebyuhin ang kontrobersiyal na Anti-Terrorism Bill.

Ito ay dahil umano sa ilang mga “problematic provisions” ng nasabing panukala na hindi tugma sa konstitusyon at maaaring makaapekto sa karapatang pantao.

Ikinababahala ni Jaqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR ang posible pag-aresto at pagkakakulong ng hanggang 12 taon ng mga ordinaryong mamamayan na nagpapahayag ng hinaing sa pamahalaan sa maayos at tamang paraan

Paliwanag nito, karapatan ng bawat isa na magpahayag ng hinaing at opinyon sa pamahalaan at maaaring magkaroon ng “false tagging” sakali mang hindi angkop ang implimentasyon ng batas

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit pa nito na ang pagbibigay ng opinyon at hinaing ay hindi nangangahulugang tunututol na ang isang indibidwal sa pamahalaan kundi ito ay isang paraan lamang na dapat ikunsidera upang mapabuti pa ang serbisyo publiko

Sa ilalim ng panukala, papatawan ng parusa ang sinumang indibidwal o grupo na makikiisa sa pagpaplano, pagsasanay o paghahanda sa anumang terorismo at sakaling mapatunayan ay maaaring makulong ng 12 taon.

Sa huli ay sinabi ni De Guia na sakali mang maaprubahan ang panukalang batas ay susunod ang tanggapan base sa mga mandatong nakasailalim sa saligang batas.