Tuguegarao City- Umaasa ng patas na implimentasyon ang tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa nilagdaang Anti-Terrorism Act of 2020 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam kay Atty. Jacqueline Ann De Guia, tagapagsalita, iginagalang nila ang naging pagpapasya sa pagsulong ng batas gayon pa man ay titiyakin ng kanilang ahensya na maipatutupad ito ng tama.

Kaugnay nito ay umapela si Atty. De Guia sa mga Law Enforcers na siguruhing walang matatapakang karapatang pantao.

Paliwanag nito, isa sa mandato ng kanilang tanggapan ay ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga human rights violation kung kaya’t nanawagan din ito ng kooperasyon sa iba pang concerned agencies.

Ipinunto pa ni Atty. De Guia ang paggalang sa mga nakalagay na probisyong hindi maaapakan ang karapatang pantao ng sinuman.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, dapat lamang na sa mga totoong terorista tulad ng mga ISIS at iba pang grupo ipataw ang nasabing batas at hindi sa mga nagnanais magpahayag lamang ng kanilang hinaing.

Sinabi pa niya na makakaasa naman ang publiko sa patas na pagtugon ng CHR sa kanilang mga mandato.