Nagsagawa ng demonstrasyon ang daang-daang mamamayan sa mga lansangan sa Christian areas sa Damascus, Syria kaninang umaga bilang protesta sa pagsunog sa Christmas tree malapit sa Hama sa central Syria.
Isinigaw ng mga protesters ang kanilang panawagan na kilalanin at igalang ang karapatan ng Christians habang naglalakad patungo sa kabisera ng bansa at patungo sa headquarters ng Orthodox Patriarchate sa Bab Sharqi.
Ang protesta ay matapos ang nangyaring pagpapabagsak ng armed coalition sa Syrian government sa pamumuno ni Bashar al-Assad, halos dalawang linggo na ang nakalilipas.
Sinabi ng mga protesters na kinokondena nila ang kawalan ng hustisya sa mga Christian.
Binigyang-diin ng mga ito na kung hindi sila papayagan na isabuhay ang kanilang pananampalataya, hindi na umano sila kabilang sa kanilang bansa.
Sumiklab ang protesta matapos na kumalat sa social media ang mga tao naka-hood na fighters na sinunog ang Christmas tree sa bayan ng Suqaylabiyah, malapit sa Hama, kung saan mayorya ng mga residente ay Christians.
Ayon sa Syrian Observatory for Human Rights, ang mga fighter ay mga dayuhan mula sa Islamist group Ansar al-Tawhid.
Sa isa pang video sa social media, sinabi ng isang religious leader mula sa Islamist group Hayat Tahrir al-Sham (HTS), ang mga sumunog sa Christmas tree ay hindi mga Syrian at nangako na parurusahan ang mga ito.
Sinabi pa niya na muling magkakaroon ng Christmas tree na paiilawan bukas.
Ang Islamist HTS movement, na mula sa Al-Queda at suportado ng Turkey, ay nangako na poprotektahan ang minorities.