Nilinaw ni Tuguegarao City Councilor Imogen Claire Callangan na walang katotohanan ang ibinabato sa kaniyang usapin tungkol sa hindi umano pagsang-ayon o pag-apruba sa mga aktibidad sa 2023 Pavvurulun Afi Festival ng lungsod.
Ayon sa opisyal, mismong siya ang humikayat sa mga miyembro ng konseho na ipasa at aprubahan na ito dahil matatapos na ang buwan ng Hunyo at pagsapit ng Hulyo ay puspusan na ang magiging paghahanda para sa City Fiesta sa Agosto.
Inihayag niya na binabaliktad siya ngayon at sinasabing siya ay isang obstructionist habang mismong ang mga kakampi ng alkalde ang kumukwestyon at nais na magpatanggal sa ilang mga aktibidad tulad ng Miss Tuguegarao, Motorcross at iba pa.
Punto niya, wala silang nais na tanggalin sa mga aktibidad dahil nirerespeto nila ang oras at pagod ng mga department heads na gumawa at nagprisinta sa mga ilalatag na aktibidad.
Gayonman, sinabi nito na muli nilang pag-uusapan sa plenaryo ng konseho ang pondong gagamitin para sa naturang aktibidad dahil ang proposed budget na higit P12.5-M ay sumobra sa dapat na P12M na pondo ng Cultural Heritage Fund para sa buong taon na kung saan kasama na sana dito ang budget sa pagdiriwang ng City Charter Change.
Sang-ayon aniya ang mga miyembro ng komite na ma-trim down o mabawasan ang pondo para sa 2023 Pavvurulun Afi Festival at maaaring gawing P10 milyon o P11 milyon upang may matira pa para sa mga susunod na aktibidad.
Sa naging session sa konseho ay sinabi rin niya na napagkasunduan din nila na maglagay ng colatilla sa probisyon ng kanilang committee report na hindi na magkakaroon ng supplemental budget
Ngunit, nilinaw niya na ito ay kondisyon lang naman at kung may mga sponsors na tutulong sa mga aktibidad ay mawawalang bisa na ang colatilla.