Nilinaw ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que na hindi nagkulang ang Pamahalaang Panlungsod sa distrubusyon ng cash allowance ng mga atleta na lumahok sa Tuguegarao City Athletic Association (TCAA) kamakailan.
Ito ang pahayag ng alkalde matapos makatanggap ng ilang mga reklamo kaugnay sa umanoy mga atleta na hindi nakatanggap ng kanilang allowance mula sa pamahalaang panlungsod.
Ayon sa kanya, laging nakahanda ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao na umasiste sa mga aktibidad ng Kagawaran ng Edukasyon tulad ng nasabing palaro ngunit may mga sinusunod din na proseso bago ang pagbibigay ng pinansyal na tulong para sa mga atletang kalahok.
Ipinunto nito na maingat lamang sila sa paggastos sa pondo at bahagi ng proseso sa pagkuha ng allowance ng mga atleta ay ang pagpiprisinta nila ng kanilang IDs bilang katunayan at para rin naman ito sa kanilang liquidation.
Sa katunayan aniya ay umabot ng higit P1.2M ang inilaang pondo para sa allowance ng nasa 3,800 na mga manlalaro at P316.
Hindi pa aniya kasama sa nasabing budget ang para sa uniporme o mga damit na ginamit ng mga manlalaro
Sa inilabas naman na opisyal na pahayag ng Department of Education- Division of Tuguegarao City, humihingi sila ng paumanhin kaugnay sa nasabing usapin at nagpasalamat naman sila sa tulong at suporta ng alkalde at ng pamahalaang panlungsod.
Samantala, sinabi ng alkalde na sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin sila sa DepEd para sa tulong at suportang ibibigay ng pamahalaang panlungsod sa mga magiging representante ng Tuguegarao City para sa gaganaping Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) sa darating na buwan ng Abril.