Natapos na ng tropa ng US Army ang ilang buwang clearing operations sa Basco Port sa islang lalawigan ng Batanes.
Nagsagawa ang tropa ng dredging o paghuhukay upang mapalalim ito at tinanggal din ang ilang bato at mga bagay na maaaring makasira sa pagdaong ng mga barko at bangka ng mga mangingisda.
Sinabi ni Batanes Governor Marilou Cayco na matagal nang plano ang pagsasagawa ng dredging sa nasabing pantalan at lagi ding problema ng mga mangingisda ang mga matutulis na bato sa tuwing sila ay mag-aangkla.
Ayon kay Cayco, minabuti niyang hingin ang tulong ng US military na madalas na bumibisita noon sa Batanes para sa koordinasyon sa Balikatan Exercises dahil sa limitado ang kanilang pondo at kulang sa kakayahan ang lalawigan para sa dredging at pagtanggal ng ilang bato.
Katuwang ng US Army sa paglilinis sa Basco Port ang Armed Forces of the Philippines at pamahalaang panlalawigan.
Nagpapasalamat si Cayco dahil wala nang ikakabahala sa kanilang pagdaong ang mga mangingisda at shipping companies na nagdadala ng mga produkto at pagkain sa lalawigan.
Bilang pasasalamat, nagsagawa ng programa ang pamahalaang panlalawigan para sa US Army at AFP dahil sa ilang buwan na pagtatrabaho matapos lamang ang clearing operations sa Basco Port.