Nagpaalala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 sa mga mangingisda na nanghuhuli ng ludong o ang tinatawag na president’s fish na panahon ngayon ng close season ng paghuli sa nasabing uri ng isda.
Ayon kay Atty. Arsenio Bañares ng BFAR, nagsasagawa na sila ng information education campaign sa mga mangingisda sa mga lokal na pamahalaan tungkol sa close season mula Nueva Vizcaya hanggang Aparri, Cagayan at Abra river system.
Sinabi niya na nagsagawa na rin sila ng pagpapatrolya sa Aparri, Lallo at Camalaniugan, Cagayan.
Ipinaliwanag ni Bañares na layunin ng pagpapatupad ng close season ng ludong mula October 1 hanggang November 15 o 46 days ay upang maparami ang nasabing uri ng isda na itinuturing na pinakamahal na isda, na nagkakahalaga ng P6,000 hanggang P6,500 kada kilo.
Ayon sa kanya, mahalaga na maipreserba ang ludong dahil ito ay pride at heritage ng Cagayan Valley dahil dito lamang makikita ang nasabing isda.