Tuguegarao City- Negatibo sa COVID-19 variant ang siyam na naka-closed contact ng OFW sa Hongkong na mula sa Solana, Cagayan ngunit positibo naman sila sa RT-PCR test.

Ito ay batay sa lumabas na resulta sa pagsusuri ng Department of Health Central Office.

Sa panayam kay Rio Magpantay, Director ng DOH Region 2, nakasailalim pa rin hanggang ngayon sa mandatory quarantine ang mga kaanak ng pinay OFW na nakasalamuha nito.

Paliwanag niya, maaaring nagpositibo sila sa RT-PCR test dahil sa pagkakaroon ng exposure sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

Sinabi niya na isa ngayon ang Solana sa binabantayan bunsod ng pagtaas ng kaso ng active cases ng virus.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya na sa kanilang natanggap na impormasyon ay nasa mabuting kalagayan naman ang pinay OFW sa Hongkong matapos magpositibo sa bagong strain ng virus.

Samantala, binabantayan ngayon aniya ng kagawaran ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Kaugnya nito ay nagkaroon na sila ng pakikipagpulong sa mga private hospitals at napag-usapan ang pagtanggap ng mga COVID-19 patients.

Bahagi aniya nito ay sumang-ayon din sila sa paglalaan ng 20% bed capacity para sa mga pasyente.

Ginawa nila ang nasabing hakbang dahil sa halos punuan na ang mga pagamutan sa rehiyon na tumatanggap ng mga pasyente ng COVID-19.

Inihayag pa nito na nagkaroon na rin sila ng training bilang paghahanda sa COVID-19 vaccination program sakaling mayroon ng available na bakuna.

Tinalakay din aniya sa training ang mga pamamaraan kung paano maihanda at maipaintindi sa komunidad magandang dulot ng bakuna.

Ipinunto niya na ito ay mahalaga bilang protection sa banta ng nakamamatay na virus.