Hiniling ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na payagan silang magpresenta ng isang auditor mula sa Commission on Audit o COA bilang testigo sa kasong graft laban kina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao.

Layunin ng testigo na magbigay ng impormasyon kaugnay ng umano’y naantalang paghahatid at hindi pagdating ng ilang COVID-19 procurement items na binili ng pamahalaan noong panahon ng pandemya.

Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y iligal na paglilipat ng Department of Health ng P41 bilyong pondo sa Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM, na noon ay pinamumunuan ni Lao, para sa pagbili ng mga medical supplies laban sa COVID-19.

Kabilang sa mga biniling kagamitan ang mga test kit, extraction machines, mechanical ventilators, personal protective equipment o PPE, surgical masks, cadaver bags at iba pang medical supplies.

Ayon sa reklamo, inaprubahan umano ni dating Health Secretary Francisco Duque III ang paglilipat ng pondo sa PS-DBM kahit kaya namang isagawa ng DOH ang procurement at hindi naman umano nito napabilis ang implementasyon ng mga proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Kinuwestiyon naman ng kampo ni Duque kung may kaugnayan ang usapin ng delayed at non-delivery ng mga kagamitan sa pagpapatunay ng kasong isinampa laban sa kanila.

Dahil dito, inatasan ni Sandiganbayan First Division Chairperson Associate Justice Maria Theresa Mendoza-Arcega ang magkabilang panig na isumite sa korte ang kanilang mga argumento sa pamamagitan ng nakasulat na komento.

Samantala, tumestigo rin si Senate Legislative Records and Archives Service officer Assumption Ingrid Reyes na nasa kustodiya ng kanilang tanggapan ang mga ulat at transcript ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee noong 2021 hanggang 2022 kaugnay ng P41 bilyong pondong inilipat mula sa DOH patungo sa PS-DBM.

Gayunman, nilinaw ni Reyes na wala siyang personal na kaalaman sa mga alegasyong inihain ng Ombudsman laban kay dating Health Secretary Francisco Duque III.