Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang Department of Education (DepEd) na agad na i-remit sa pamahalaan ang nasa P12.3 billion mula sa 2023 budget nito na suspended at disallowed dahil sa kabiguan ng ahensiya na makatugon sa ilang bidding processes at hindi naabot ang target sa iba’t ibang proyekto.
Base sa audit report para sa 2023, ang buong taon ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng DepEd, naglabas ang state auditors ng notices at suspension na nagkakahalaga ng P10.1 billion; notices of disallowance na P2.2 billion, at notices at charges na nagkakahalaga ng P7.38 million dahil sa “noncompliance with existing laws and regulations” sa pagpapatupad ng maraming proyekto.
Sa pag-aaral ng COA sa pagpapatupad ng notices of suspensions, disallowances at charges, natuklasan nila na 1.7 percent lamang ng P710.6 billion budget na inilaan sa DepEd nitong nakalipas na taon ay nananatiling “unsettled,” sa kabila ng acknowledgment mula sa mga opisyal ng ahensiya na ibabalik nila ang pondo na kinukuwestion.
Sa ilalim ng Rules and Regulations on Settlement of Accounts (RRSA) ng COA, ang disallowances ay tumutukoy sa audit of disbursement and transactions na hindi inaprubahan ng buo o bahagi ng proyekto.
Natuklasan din ng COA ang ilang “lapses” sa paghawak, recording at reporting ng cash transactions sa iba’t ibang regional offices, at unliquidated cash advances na hindi otorisado o walang inilagay na paggagamitan na nagkakahalaga ng halos P7 billion na paglabag sa COA Rules.
Inirekomenda ng state auditors at sumang-ayon ang management na itigil ng mga kaukulang mga opisyal ng DepEd ang ginagawang pagkakaloob ng karagdagang cash advances, lalong-lalo na kung hindi na nakumpleto ang unang liquidation.
Sinabi ng COA na ang mga sahod ng mga may pananagutan na mga opisyal ay dapat munang huwag ibigay, bilang isa sa mga penalties, hanggang sa maayos nila ang kanilang pananagutan.