
Kinastigo ng Commission on Audit (COA) ang Department of Education (DepEd) dahil naging benepisyaryo ng Senior High School Voucher Program ang mga “ghost” student sa mga prestihiyoso at high tuition private schools.
Sabi ng COA, nangyari ito noong School Year 2022–2023 at 2023–2024.
Sa kanilang audit report, natuklasan ng mga state auditor na maraming Voucher Program Beneficiaries (VPBs) ang hindi nakita sa isinagawang monitoring visit.
Hindi lubos na maipaliwanag ng mga opisyal ng eskuwelahan kung bakit hindi pumasok ang sinasabing estudyanteng benepisyaryo ng voucher program.
Natuklasan din ng COA ang iba pang modus kung saan naka-enroll ang mga benepisaryo sa isang eskuwelahan pero sa ibang eskuwelahan naman pumapasok.
Marami namang benepisaryo ang naka-enroll subalit hindi naman pumapasok simula nang umpisa ng semester.










