Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Department of Agriculture (DA) dahil sa hindi agarang pamamahagi ng mga binhing palay, pataba at iba pang agricultural inputs sa mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Kristine at iba pang bagyo sa Bicol Region.

Sa 2025 audit report, sinabi ng COA na malaking bahagi ng mga biniling ayuda ang nanatiling hindi naipamahagi hanggang katapusan ng taon, kahit na naihatid na ang ilan sa regional office.

Paliwanag ng DA Regional Field Office V, kabilang sa mga dahilan ang pag-aayon ng pamamahagi sa iskedyul ng pagtatanim. Gayunman, iginiit ng COA na salungat ito sa layunin ng Quick Response Fund na magbigay ng agarang tulong sa mga nasalanta ng kalamidad.

Kabilang sa mga hindi naipamahagi ang 15,000 sako ng hybrid palay seeds, 45,000 litro ng foliar fertilizer at iba pang abono, herbicide at pesticide para sa mga magsasaka.

Nagdulot ang Bagyong Kristine ng matinding pagbaha noong Oktubre 2024 at nakaapekto sa mahigit pitong milyong katao, ayon sa disaster council.

-- ADVERTISEMENT --