Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Social Security System (SSS) sa pagbili ng 143,424 rolls ng tissue paper na nagkakahalaga ng P13.195 million sa pamamagitan ng verbal agreement sa isang supplier, na ayon sa state auditors, ang transaksyon ay ginawa ng walang sapat na pagpaplano.

Batay sa 2024 audit report sa SSS na inilabas ngayong buwan, sinabi ng COA na ang pagbili ay sumobra sa dalawang buwan na supply requirement ng ahensiya, habang may natira sa kustodiya ng supplier na 116,046 rolls na walang written agreement dahil sa kawalan ng malinaw na mga patakaran sa pagbili ng supplies at equipment.

Ayon sa COA, ang pagbili ng SSS ng tissue rolls ay hindi tumugon sa rules sa ilalim ng Section 4 ng Presidential Decree No. 1445 at Section 28 ng 2024 General Appropriations Act (GAA).

Sa ilalim ng PD No. 1445, sinabi ng COA na lahat ng government resources ay kailangan na napamahalaan at nagamit alinsunod sa mga batas at regulasyon, at safeguard laban sa pagkalugi o pag-aaksaya laban sa iligal o hindi tamang disposisyon, upang matiyak ang kahusayan, pagtitipid at pagiging epektibo sa operasyon ng pamahalaan.

Ipinunto pa ng COA na ang kasunduan sa supplier ay base lamang sa verbal agreement, walang supporting documentation o formal memorandum of understanding, na paglabag sa fiscal responsibility principles sa ilalim ng PD 1445.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim naman ng Section 28 ng GAA, kailangang ang inventories ng supplies, materyales, at spare parts ay hindi lalagpas sa dalawang buwan na requirement ng isang ahensiya.