Nagpaalala ang coastguard district northeastern luzon sa publiko kaugnay sa posibilidad na pagbagsak ng debris sa bahagi ng Northern Luzon mula sa rocket launch ng China.

Ito ay matapos na maglunsad ang republic of China ng Long March 7A rocket sa Wenchang Spacecraft launch site sa Hainan China noong August 21-25 taong kasalukuyan.

Ayon kay Coastguard Ensign Ryan Joe Arellano Assistant Public Information Officer ng coastguard district northeastern luzon, maaaring maging drop zone ng nasabing rocket launch ang karagatan sa Norte.

Asahan umano ang posibleng paglapag ng mga debri 38 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 66 nautical miles sa Sta.Ana Cagayan.

Pinaalalahanan din ang publiko partikular na sa mga mangingisda sa mga nasabing lugar na sakaling may makita silang debri ay wag ito basta lalapitan dahil sa posibleng dulot nito na panganib sa kalusugan dahil sa mga chemicals at fuels na ginamit dito at sa halip ay agad na lamang ipagbigay alam sa kinauukulan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nagsagawa na ng information dissemination ang ilang mga coastguard substation sa Aparri, Sta.Ana at iba pa, para sa mga mangingisda at kababayang naninirahan malapit sa dalampasigan.