Nakahanda na ang Coastguard District Northeastern Luzon at mga istasyon sa Batanes, Calayan, Aparri, Isabela, at Aurora para sa posibleng pagdating ng Bagyong Kristine.

Ayon kay Coastguard Ensign Ryan Joe Arellano ng Coastguard District Northeastern Luzon, na-activate na ang mga deploy task group sa buong nasasakupan.

Sa kasalukuyan, normal pa ang agos ng tubig sa karagatan sa Batanes at Isla ng Calayan, at hindi pa masyadong ramdam ang epekto ng bagyo.

Gayunpaman, sa Cagayan mula Sta. Praxedes hanggang Sta. Ana, ramdam na ang lakas ng alon, kasama na ang mga bahagi ng Isabela at Aurora.

Nakahanda na rin ang mga kagamitan ng Coastguard, kabilang ang floating assets at life-saving equipment, pati na rin ang mga sasakyang pang-lupa sa headquarters.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon aniya ay hindi na pinapayagan ang anumang sasakyang pandagat na bumyahe sa Batanes, Calayan, Cagayan, Isabela, at Aurora, kahit na ang maliliit na bangka.

May gale warning na rin na ipinatupad, at pinayuhan ang mga kababayan ukol sa mga posibleng panganib kung sila ay patuloy na maglalayag habang wala namang mga stranded na mamamayan sa mga pantalan.