TUGUEGARAO CITY-Nakahanda na ang cold chain storage ng pamahalaang panglungsod ng Tuguegarao na pag-iimbakan sa mga makukuhang COVID-19 vaccine.
Ayon kay City Heath Officer Dr. James Guzman, may dalawang malalaking refrigerator na galing sa World Health Organization (WHO) sa pamamagitan ng Department of Health (DOH)-R02 na kayang ilagay ang nasa 15,000 doses ng bakuna.
Aniya, bukod pa ito sa dalawang refrigerator ng City Health Office (CHO) na may kapasidad na 10,000 hanggang 15,000 doses.
Sapat na umano ito dahil nasa pitong libong katao lamang ang mga healthcare workers na uunahinng mababakunahan batay sa COVID 19 Vaccination Plan ng lungsod.
Sinabi ni Dr. Guzman, una naring nagsagawa ng inspeksyon si Mayor Jefferson Soriano sa mga refrigerator at tiniyak ang kanilang kahandaan.
Kaugnay nito, mayroon na umanong standby generator ang LGU-Tuguegarao na magiging alternatibo sakaling mawalan ng supply ng kuryente pero kung sakali na magkaroon ng aberya ay hihingi na ng tulong sa Regional Office ng DOH na mas malaki ang Cold Storage Room.