Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) Cagayan na handa na ang lalawigan para sa nalalapit na halalan ngayong Mayo, kasabay ng pagtitipon kasama ang Joint Security Control Center at Commission on Kontra Bigay upang mapanatili ang kaayusan at integridad ng eleksyon.

Ayon kay Atty. Michael Camangeg, Provincial Election Supervisor Comelec Cagayan, may kabuuang 1,201 clustered precincts sa Cagayan kung kaya’t mayroon ding 1,201 automated counting machines (ACMs) na inaasahang darating mula Abril 28 hanggang Mayo 2.

Magsasagawa ng Final Testing and Sealing (FTS) ng mga ACMs simula Mayo 7 upang matiyak ang 100% functionality para sa tumpak na bilangan ng boto.

Bukod dito, bawat election officer ay may limang contingency units bilang reserba sakaling magkaroon ng aberya sa makina.

Dagdag pa ni Camangeg na nagpatupad din ang COMELEC ng 2-araw na pagsasanay para sa mga guro na magsisilbing electoral board at magsasagawa rin sila ng refresher training upang sariwain ang kaalaman sa paggamit ng ACMs.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sa aspeto ng seguridad, sumailalim sa pagsasanay ang mga kapulisan bilang contingency force para sa agarang responde sa anumang banta.

Magtatalaga rin ng mas maraming security forces kaysa sa karaniwan, at mas paiigtingin ang mga checkpoint sa buong lalawigan.

Sa huli, nagpaalala naman si Camangeg na sumunod ang lahat sa mga batas kaugnay ng eleksiyon upang matiyak na walang puwang ang kapabayaan o pandaraya sa darating na halalan, at upang masiguro ang isang mapayapa, malinis, at maayos na halalan sa lalawigan.