Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) En Banc ang petition for disqualification case sa kandidatura ni Cagayan Governor Manuel Mamba noong May 2022 elections na inihain ng nakatunggaling si Dr. Zara Lara.

Sa panayam kay Governor Mamba, maituturing na hustisya para sa lahat ng mga nagtitiwala sa kanyang panunungkulan ang naging desisyon ng COMELEC En Banc lalo na at wala aniya siyang biniling boto taliwas sa ipinaparatang sa kanya.

Magugunitang umapela ang gobernador matapos lumabas ang desisyon ng COMELEC Second Division kaugnay sa diskwalipikasyon nito dahil umano sa illegal disbursment sa pondo ng kapitolyo noong panahon ng halalan.

Batay sa inilabas na resolution ng COMELEC En Banc kahapon, Marso 6, kabilang sa mga dahilan na hindi pinaboran ang petition for disqualification laban kay Mamba ay dahil sa Lack of Jurisdiction habang nakasaad din dito na anuman ang mga “criminal aspects” sa nasabing kaso ay ipinasasakamay na sa Law Department ng Comission para sa imbestigasyon.

Binigyang diin ng Gobernador na malinaw na hindi siya nasangkot sa anumang vote buying sa kasagsagan ng election period habang iginiit din ng kampo nito na nakakuha siya ng exception sa Comelec En Banc para sa pagsasakatuparan sa kanyang No Barangay Left Behind Program na regular nang ginagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang inilabas na resolution ng komisyon ay pinagtibay at nilagdaan ni COMELEC Chairman Goerge Erwin Garcia at ng anim na Commissioners nito.