Diniskuwalipika ng Commission on Elections o COMELEC si Cagayan Gov. Manuel Mamba dahil sa mga paglabag sa Omnibus Election Code na may kaugnayan sa 2022 National and Local Elections.

Sa isang desisyon na inilabas kahapon, sinabi ng First Division ng COMELEC na nilabag ni Mamba ang Section 2 at 3 ng Resolution 10747 ng Section 261 ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa pag-release, disbursement at paggasta ng public funds mula March 25 hanggang May 8, 2022.

Nakasaad sa desiyon ng COMELEC na walang Certificate of Exemption ang nakuha mula sa kanila ang kampo ni Mamba para sa patuloy na pagpapatupad ng mga proyekto at programa ni gobernador sa loob ng 45-day prohibition period.

Inihain ni Atty. Victorio Casauay, legal counsel ni dating gubernatorial candidate Dr. Zarah De Guzman-Lara ang magkahiwalay na petisyon para sa diskwalipikasyon laban kay Mamba, sa kanyang asawang si Mabel na kandidato noon bilang kinatawan ng 3rd District ng Cagayan at pamangkin na si Franco bilang mga kandidato sa pagka-bise gobernador noong May 2022 national and local elections.

Ibinasura naman ang Petition for Disqualification laban sa iba pang mga miyembro ng kampo ni Mamba dahil natalo sila sa nasabing halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, idineklara ng COMELEC na bakante ang posisyon ng gobernador ng Cagayan at alinsunod sa Rule of Succession ay awtomatikong pupunuan ito ng bise gobernador.

Kaugnay nito, inihayag ng kampo ni Mamba na maghahain sila ng Motion for Reconsideration sa COMELEC En Banc para i-apela ang disqualification order ng 1st Division ng komisyon.

Sa pahayag na inilabas, mayroon umanong limang araw para maghapag ng MR ang mga legal team ni Mamba sa Comelec En Banc.

Dahil dito, mananatili at ipagpapatuloy pa rin umano ni Governor Mamba ang kaniyang tungkulin hangga’t wala pang pinal na desisyon.

Umaapela si Gov. Mamba sa mga Cagayano na maging kalmado at mahinahon dahil handa umano siya na harapin ang mga kaso na inihain laban sa kaniya.

Nabatid na dalawang disqualification cases ang inihain ng kampo ni Dr. De Guzman-Lara sa 1st at 2nd Divisions ng COMELEC.

Ang isang kaso ay na-dissmiss dahil sa teknikalidad subalit binaliktad ito ng Supreme Court at inatasan ang Comelec En Banc na magdesisyon batay sa merito ng kaso at hindi sa teknikalidad.