Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng mga kandidato, partido, at mga party-list group na magparehistro ng kanilang mga online campaign platforms bago ang Disyembre 13.
Sa isang post sa social media, sinabi ng Comelec na kailangang nakarehistro ang mga social media accounts, websites, podcasts, blogs, vlogs, at iba pang online at internet-based na plataporma ng kampanya para sa midterm elections sa susunod na taon.
Ayon sa Comelec Resolution 11064, kinakailangan ang pagpaparehistro ng lahat ng opisyal na online platforms ng mga kandidato, political parties, at party-list organizations.
Batay sa pinakahuling bilang ng Comelec, nakatanggap sila ng 3,904 aplikasyon para sa pagpaparehistro sa pamamagitan ng Google Forms. Kabilang dito ang 24 aplikasyon mula sa mga nagnanais maging senador at 3,775 mula sa mga lokal na kandidato.
Mahigit 105 political parties, koalisyon, at mga party-list group ang nag-request na mairehistro ang kanilang online campaign platforms.
Ang resolusyon ay nagtatakda rin ng pagpapasa ng hard copies ng mga dokumentong isinumite online. Sa ngayon, 2,096 aplikante na ang nakatugon sa nasabing requirement.