Ipinagbawal ng Commission on Elections (Comelec) ang pangangampanya — kabilang na ang online — ngayong Huwebes Santo hanggang hatinggabi ng Biyernes Santo.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hindi naman malaking kawalan sa mga kandidato ang dalawang araw na pahinga sa kampanya at hinihimok ang mga ito na samantalahin ang panahon ng pagninilay.

Pinahihintulutan ang mga aktibidad gaya ng pabasa at pamimigay ng pagkain, basta’t hindi ito gagamitin sa pangangampanya.

Binalaan ng Comelec ang mga kandidatong lalabag, kabilang na ang pagsasagawa ng kampanya sa mga resort, at hinikayat ang publiko na isumbong sa social media ang mga lalabag sa campaign ban.

Sinabi ni Garcia na ang paglabag ay itinuturing na election offense at posibleng maging basehan ng diskwalipikasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Papayagan muli ang online campaign sa Linggo, ngunit mananatiling binabantayan ito ng Comelec Task Force KKK para sa anumang paglabag.