Handang-handa na ang Commission on Elections sa lalawigan ng Kalinga sa halalan sa Lunes.

Sinabi ni Atty. Elenita Capuyan, election supervisor ng COMELEC- Kalinga na wala naman silang naranasan na aberya o problema sa isinagawa nilang pinal na testing at sealing sa mga vote counting machines.

Dahil dito, ipinadala na sa mga polling precincts ang mga VCM kung saan ay nakaselyo ito at bubuksan lamang sa mismong araw ng halalan na magsisimula alas-sais ng umaga hanggang alas-sieta ng gabi.

Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Capuyan na sa ilalim ng isang comelec resolution, papayagan pa rin na makaboto ang mga nakapila na mga botante na nadatnan ng oras na pagsasara ng botahan kung sila ay nasa 30 meter radius mula sa presinto.

Sinabi niya na ililista ng poll clerk ang pangalan ng mga nasabing distansiya at tatawagin na lamang ang kanilang mga pangalan para sa kanilang pagboto.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, ipinaalala niya sa mga botante na maging maingat sa paghawak at sa pag-shade sa mga bilog balota dahil sa kung kayo ay nagkamali ay hindi na ito papalitan pa dahil isang balota ang inilaan para sa isang botante.

Ingatan din aniya na huwag masulatan o malagyan ng anomang marka ang balota, huwag mapunit at huwag makusot dahil sa hindi ito babasahin ng VCM.

Iginiit niya na shading ang gagawin sa mga bilog subalit tiyakin na huwag ding sobra, hindi check o cross ang imamarka sa bilog.

Hindi rin babasahin ng VCM ang bahagi ng balota na may over vote subalit pwede ang under vote.

Pakiusap din ni Atty. Capuyan na pagkatapos bumoto at nalagyan na ng indelible ink ang mga daliri ay umalis na at huwag nang mag-ikot-ikot pa.

Panawagan din niya na magbaon ng mahabang pasensiya dahil sa bahagyang matatagalan ang pagboto na ang pagtaya ay walo hanggang sampung minuto bawat botante dahil ito ang unang pagkakataon na isagawa ang eleksion sa panahon ng pandemya.

Samantala, sinabi din niya na iiral ang liqour ban ng hatinggabi ng May 8 at sinuman na mahuhuli na lalabag dito ay may mabigat na parusa.