Nagsasagawa na ng mga hakbang ang Provincial Commission on Elections (COMELEC) Kalinga upang mapabuti ang sistema ng pagboto sa pamamagitan ng bagong Automated Counting Machines (ACMs)bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa 2025.

Ayon Kay COMELEC Spokesperson Director John Rex C. Laudiangco, ang Kalinga ang kauna-unahang probinsya sa Luzon na gumamit ng aktwal na makina at balota para sa demo dahil sa magandang performance ng COMELEC Kalinga tuwing halalan.

Aniya ang ACM ay idinisenyo upang mabawasan ang mga pagkakamali ng tao sa pagbibilang ng boto at upang mas mapabilis ang paglabas sa resulta ng halalan.

Sinabi pa nya na mayroon ding QR code sa resibo ng botante na magagamit nila para masuri kung tugma ang naitala ng makina sa kanilang ibinoto sa pisikal na balota.

Ang naturang demo ay isinagawa upang masigurong maayos ang paglipat sa bagong sistema kaya kinakailangan munang sanayin ang mga kawani ng halalan sa paggamit ng ACM.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala sa kabila ng mga kinakaharap na hamon tulad ng posibilidad ng mga teknikal na problema ay malaking tulong umano ang makabagong makinang ito sa proseso ng halalan sa Kalinga kaya tinitiyak ng komisyon ang tamang deployment at maintenance ng mga makina sa buong panahon ng halalan upang maiwasan ang mga aberya sa araw ng halalan.