
Mahigpit na minomonitor ng Commission on Elections o Comelec ang mga paaralang gagamitin bilang polling sites para sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, dahil sa posibilidad ng pagbaha dulot ng malakas na ulan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, partikular na tinututukan ang mga paaralan sa flood-prone areas ng Maguindanao del Sur at Lanao del Sur. Tinitingnan din ng poll body ang posibleng paglilipatan ng voting centers sakaling hindi ligtas ang mga ito sa araw ng halalan.
Nakatakda ang unang BARMM parliamentary elections sa Setyembre 14. Siniguro naman ni Garcia na maaari pa ring maipadala sa Comelec data centers ang mga boto kahit masama ang panahon.
Sa ngayon, wala pang nakikitang dahilan ang Comelec para ipagpaliban ang halalan at nananatiling ligtas ang mga election equipment at paraphernalia.
Nakumpleto na rin ng Comelec ang pag-imprenta ng mga balota para sa BARMM elections noong huling bahagi ng Hulyo, habang nagsimula na ang election period noong Hulyo 16 kasama ang pagpapatupad ng gun ban.










