Muling pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang dati nitong inilatag na deadline para sa paghahain ng Manifestations of Intent to Participate (MIPs) sa nalalapit na May 2025 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections.

Sa ilalim ng Resolution No. 11048, ginawa itong October 8.

Maalalang dati itong nakatakda sa August 20, 2024 ngunit pinalawig ng Commission En Banc noong June at ginawang September 30,2024.

Sa ilalim ng paghahain ng mga MIP, ang mga Regional Parliamentary Political Parties (RPPPs) ay maaaring magpakita ng kanilang interest na makibahagi sa unang parliamentary elections kasama ang listahan ng kanilang mga nominees.

Ang bawat partido ay kailangang magkaroon ng 40 nominees kung saan pipiliin ang mga kinatawan o kakatawan sa naturang partido para sa BARMM Parliament, oras na makakuha ito ng sapat na boto.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga nominees ay kailangang mailista batay sa priority of preference o ranking batay na rin sa kagustuhan ng partido.

Sa ilalim ng unang parliamentary elections ng BARMM, mayroong 80 seats na pupunan sa Bangsamoro Parliament. Ito ay bubuuin ng 72 parliamentary district seats at 8 sectoral representatives.