Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdami ng kaso ng vote-buying sa bansa, isang araw bago ang national and local elections 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, karaniwang isinasagawa ito sa tradisyunal na paraan kung saan aktwal na nagkakaabutan ng pera.
Aniya, hindi laganap ang paggamit ng digital wallets gaya ng GCash at PayMaya dahil sa kanilang pakikipagtulungan upang matigil ang ilegal na transaksyon.
Pinag-iingat naman ng ahensya ang publiko laban sa mga alok na libreng sakay, pagkain, o kape sa araw ng botohan, na maituturing na vote-buying.
Binigyang-diin din ng Comelec na walang vote-buying kung walang vote-selling.
Kaya’t parehong mananagot ang nagbibigay at tumatanggap ng pera o anumang pabor kapalit ng boto.
Babala ng Comelec, ang sinumang mahuling sangkot sa vote-buying o vote-selling ay maaaring makulong ng anim na taon.