Umiikot na umano ang ilang grupo ng mga kriminal na nagsasabi na mayroon silang technical expertise o may inside access para maipanalo ang isang kandidato sa eleksion sa Mayo at nag-aalok ng kanilang mga serbisyo.

Kaugnay nito, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia na dapat na maging responsable ang mga kandidato at huwag patulan ang mga ito, at huwag maniwala sa kanilang mga sinasabi na mga kasinungalingan.

Pinayuhan din niya ang mga kandidato na agad na isumbong sa mga awtoridad kung may lalapit sa kanila na mag-aalok ng kanilang serbisyo at hihingi ng malaking halaga para sa pangakong tiyak na panalo sa halalan.

Matatandaan nahuli ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong nakalipas na linggo ang tatlong katao na nagpakilala na information technology (IT) specialists at konektado umano sila sa Comelec.

Ayon kay CIDG Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, humingi ang mga suspek ng P90 million mula kay dating Mayor Robert Turingan ng bayan ng Enrile, Cagayan at sa kanyang anak na si Karen Turingan na kandidato sa bise alkalde kapalit ng kanilang tiyak na panalo sa May elections.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Garcia na huwag makumbinsi sa mga nagsasabi na kaya nilang baguhin ang resulta ng automated elections.

Ayon sa kanya, ang mga ito ay mga scammers na gusto lamang makakuha ng pera mula sa mga pulitiko, anoman ang kanilang partido.