Naghain ang Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan ng cybercrime complaint laban sa vice mayoral candidate na si Jeryll Harold Respicio sa Isabela kaugnay sa kanyang pahayag kaya niyang manipulahin ang resulta ng halalan sa Mayo.
Nilagdaan ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, kinatawan ng task force ang nasabing reklamo na inihain sa Manila Prosecutors’ Office kaninang umaga.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang mga pahayag ni Respicio ay mapanganib at misinformation dahil sa ngayon pa lang ay kinokondisyon ang mamamayan na puwedeng gawan ng paraan para manalo sa eleksyon.
Sa kanyang videos, sinabi ni Respicio na mayroon umanong backdoor program para i-override ang Automated Counting Machines at ipinakita pa kung paano ito gawin.
Binigyang-diin ni Garcia na hindi ang Comelec ang tinitira ni Respicio sa kanyang mga pahayag kundi ang buong proseso at integridad ng halalan.
Ayon kay Garcia, hindi nila papayagan ang ganitong mga pahayag.
Kasabay nito, nagbabala si Garcia sa iba pang magpapakalat ng online misinformation o fake news laban kandidato, partido o sa isang botante na maghahain sila ng reklamo.
Si Respicio na tatakbo bilang vice mayor ng Reina Mercedes, Isabela ay isang abogado ay certified public accountant (CPA).
Idinagdag pa ni Garcia na maghahain ang task force ng disqualification case laban sa respondent, disbarment case sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), at kaso para bawiin ang kanyang lisensiya sa Professional Regulation Commission (PRC).
Samantala, nanawagan si Garcia sa netizens na maging maingat sa pagbabahagi ng mga impormasyon online.