Ipinahayag ng Commission on Elections (COMELEC) ngayong Martes, Setyembre 30, 2025, na pinal na ang pagkakansela ng rehistrasyon ng Duterte Youth Party-list matapos maglabas ng certificate of finality and entry of judgment ang kanilang opisina.

Ayon sa COMELEC, wala nang Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ang Korte Suprema sa loob ng 30 araw matapos pagtibayin ng COMELEC en banc noong Agosto 29 ang naunang desisyon na kanselahin ang akreditasyon ng nasabing party-list.

Dahil dito, tuluyan nang ipatutupad ang desisyon at tatanggalin na ang Duterte Youth bilang kinatawan sa Kongreso.

Tatlong puwesto ang bakante ngayon, at tatalakayin ng COMELEC kung aling mga party-list ang makikinabang sa mga ito.

Matatandaang kinansela ng COMELEC Second Division ang rehistrasyon ng Duterte Youth matapos mapag-alamang hindi ito sumunod sa mga panuntunan ng Party-list System Act, kabilang ang kawalan ng publikasyon sa mga pahayagan at tamang pagdinig sa aplikasyon nito.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod pa rito, nakita rin ng COMELEC na may mga paglabag ang partido gaya ng kakulangan sa tunay na representasyon ng kabataan, pagtaguyod ng karahasan, at pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Bagaman nagtangka ang Duterte Youth na kuwestyunin ang desisyon sa Korte Suprema, nabigo itong makakuha ng TRO, dahilan upang maging pinal ang pagkakansela ng kanilang rehistrasyon.