Nagsimula na ang Commission on Elections o Comelec sa pagtanggal ng mga illegal campaign materials sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM bilang paghahanda sa unang parliamentary elections sa rehiyon sa Setyembre 14.

Ayon kay Comelec Chair George Garcia, sinasamahan ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang kanilang removal operations para sa seguridad ng mga election personnel, kasunod ng shooting incident na nangyari noong 2023 habang nag-aalis ng illegal campaign materials sa Mindanao.

Ipinaalala ni Garcia na aalisin ang mga campaign materials na nakapaskil sa pampublikong lugar gaya ng mga parke, terminal at iba pang public properties. Gayunman, hindi umano saklaw ng Comelec ang campaign materials na nasa pribadong ari-arian.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police o PNP na pinaigting na ang seguridad sa 108 lugar sa BARMM na itinuturing na areas of concern. Pinakamarami ang red zones sa Lanao del Sur na may 21 lugar.

Ayon sa Comelec, kabilang sa pinapayagang election materials ang mga poster na hindi lalampas sa dalawang talampakan ang taas at tatlong talampakan ang lapad, habang may hiwalay na limitasyon para sa iba pang campaign materials.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit naman ni Garcia na dapat gawing simple at madaling maunawaan ng mga botante ang mga paliwanag tungkol sa makabagong election technology upang matiyak na hindi maaagawan ng karapatang bumoto ang publiko.