Nanawagan si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa Philippine National Police (PNP) na suspindihin ang kanilang “Oplan Katok” operations para sa 2025 elections.

Sinabi ni Garcia na ito ay upang maiwasan na lumikha ito ng takot sa mga botante at lilikha ng hinala na ang operasyon ay pabor sa isang pulitiko o kandidato.

Ang “Oplan Katok” ay ang pagkatok ng mga pulis sa mga tahanan para sa kampanya laban sa mga hindi rehistradong mga armas at hikayatin ang gun owners na i-renew ang kanilang lisensiya at hikayatin ang mga ito na isuko ang mga ito para sa safekeeping.

Idinagdag pa ni Garcia na walang silbi ang pagsasagawa ng mga operasyon sa mga ligal na armas.

Iginiit niya na kailangan na gawin ang mga nasabing operasyon pagkatapos ng eleksion.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Garcia na kung hindi sasang-ayon ang PNP na suspindihin ang “Oplan Katok” ay pananatilihin nila ang collaboration at discussions.

Samantala, nilinaw ni PNP chief Gen. Rommel Marbil na ang “Oplan Katok” ay bahagi ng normal police duty, at ginagawa lamang nila ito sa mga hindi rehistradong mga armas.

Kasabay nito, sinabi ni Marbil na tatalakayin niya ang usaping ito kay Garcia dahil ang layunin ng Oplan Katok ay para matukoy ang lahat ng mga armas.