Maaring magdulot ng kawalan ng katiyakan sa pamamahala ang paulit-ulit na pagpapaliban ng halalan, ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, kasunod ng mga panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.

Ayon kay Garcia, nagiging hindi tiyak para sa mga nakaupong opisyal at publiko kung magpapatuloy ba ang kasalukuyang liderato o magkakaroon ng pagbabago.

Gayunman, sinabi ni Garcia na nasa Kongreso ang desisyon kung itutuloy o ipagpapaliban ang BSKE at susunod ang Comelec sa magiging pasya nito. Umaasa ang poll body na magkakaroon ng malinaw na desisyon pagsapit ng Setyembre upang maiangkop ang kanilang paghahanda.

Nasa P8 bilyon na umano sa kabuuang P19 bilyong budget para sa BSKE ang nagastos na ng Comelec. Ilan sa mga election supplies, kabilang ang indelible ink, ay maaari umanong hindi na magamit kung muling ipagpapaliban ang halalan.

Nakatakda ang BSKE sa Nobyembre 2, 2026. May mga panukala sa Senado at Kamara na naglalayong palawigin ang termino ng barangay at SK officials at ilipat ang halalan sa Nobyembre 2028.

-- ADVERTISEMENT --