Muling nagpa-alala ang Commission on Elections (COMELEC) region 2 sa lahat ng mga kumakandidato sa iba’t-ibang posisyon na sundin ang mga itinakdang panuntunan ng ahensya mula sa mga sukat at mga lugar na dapat pagpaskilan ng kanilang campaign materials.

Ito ay kasunod ng ikinasang Oplan Baklas ng mga otoridad sa buong bansa kahapon kung saan una itong isinagawa sa lalawigan ng Isabela.

Ayon kay Atty. Boris Banaoag, tagapagsalita ng COMELEC Region 2, bago at pagkatapos ng oplan baklas ay mabibigyan ng notice ang lahat ng mga kandidato upang sila ay maimpormahan at malinaw aniya na nakasaad sa ilalim ng resolution ang mga polisiyang kinakailangan nilang sundin ng mga kandidato.

Inihalimbawa nito ang 2×3 ft. na sukat ng tarpaulin na dapat ipaskil ng mga kandidato at ito ay kinakailangang ipaskil lamang sa mga lugar na nakalaan at itinakda ng batas at bawal din ang pagpapako sa mga punong kahoy.

Kung magpapaskil naman sa mga private property na may pahintulot ang may-ari ay dapat pa ring masunod ang sukat ngunit kung may paglabag naman at ito ay kailangang baklasin ay dapat na magbigay muna ng paabiso sa may-ari ng lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Kaparehong panuntunan din ang paiiralin sa mga pampubliko at pribadong sasakyan maging ang mga ginagamit ng mga nangangampanya.

Paliwanag niya, may mga nabaklas na campaign materials sa Santiago City, Isabela na ikinabit ng mga supporters ng mga tumatakbong kandidato sa national positions.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na aniya sila sa mga miyembro ng operation baklas team sa Cagayan upang mailatag ang mga panuntunang ipatutupad bago ito isagawa sa probinsya.

Inihayag pa ni Banaoag na sa bagong paraan ng pangangampanya ay maraming kinakailangang ikunsidera dahol itinuturing na super spreader event ang campaign period sa panahon ng election tulad nalamang ng meeting de avance, motorcade, rally, im-person-campaign at iba pa.

Kaugnay nito ay naglatag ang COMELEC ng karagdagan pang hakbang upang mamonitor ang pagpasok ng mga kandidato sa isang lugar tulad ng pagbuo ng COMELEC Campaign Committee sa bawat Rehiyon, Probinsya, Municipalidad o Lungsod.

Ang COMELEC Campaign Committee ay itinakdang tanggapan kung saan maaaring makipag-ugnayan ang mga magsasagawa ng campain activity upang sila ay mabigyan ng permit kung saan ang mga national candidate ay makikupag-ugnayan sa Regional Campaign Committee, ang mga provincial candidates ay sa Provincial Campaign Committee habang ang mga municipal o city candidates naman ay sa Municipal/citu Campaign Committee.

Bahagi rin nito ang pagbuo ng Peace and Order Regional Joint Security Control Center upang mangasiwa sa seguridad at pagtiyak na nasusunod ang mga health and safety protocols na pagdarausan ng aktibidad.