Magkakaroon ng pagkasira ng anim na milyong (6M) bagong printed na balota ang Commission on Elections (COMELEC) bilang resulta ng Temporary Restraining Order (TRO) na ipinalabas ng Korte Suprema (SC) pabor sa mga naunang diskwalipikadong mga kandidato para sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng COMELEC, isasagawa nila ang microshredding ng mga pre-printed na balota upang tiyakin na hindi na ito magagamit.
Bago nito, nag-disqualify ang mga dibisyon ng COMELEC ng ilang mga kandidato para sa darating na eleksyon, ngunit nag-apela sila sa SC at humiling ng TRO.
Noong Enero 14, nagpalabas ang SC ng TROs na pumipigil sa diskwalipikasyon ng limang kandidato sa mga darating na halalan.
Kabilang sa mga kandidato na naapektuhan ang Caloocan 2nd District congressional bet na si Edgar Erice; Senatoriable Subair Guinthum Mustapha; Ilocos Sur First District congressional bet na si Charles Savellano; Zambales gubernatorial bet na si Chito Bulato Bantilla, at San Juan City First District Council bet na si Florendo de Ramos Ritualo Jr.
Ayon kay SC Spokesperson Camille Sue Mae Ting, dahil sa TROs, ang mga pangalan ng mga kandidato ay kailangang ibalik sa mga balota.
Dahil dito, ipinagpaliban ang mga nakatakdang aktibidad ng COMELEC tulad ng pag-certify ng internet voting at mga mock elections sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon sa COMELEC, magkakaroon din ng mga pagbabago sa database ng mga kandidato at muling pagpapaprinta ng mga balota matapos maisagawa ang mga kinakailangang pagbabago sa database at election management system.