Tiniyak ng Commission on Elections na matutuloy ang national elections sa 2028 sa kabila ng mga usap-usapan hinggil sa umano’y no-election scenario.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, mandato ng Konstitusyon ang pagsasagawa ng halalan kaya hindi ito maaaring ipatigil.

Sinabi rin ni Garcia na wala silang contingency plan para sa no-election scenario dahil sigurado umanong matutuloy ang eleksyon sa 2028.

Dagdag pa niya, walang batas na mas mataas kaysa sa Konstitusyon na maaaring pumigil sa pagsasagawa ng halalan.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng Comelec ang automation ng 2028 elections, voter registration, at paghahanda ng mga bagong alituntunin para sa susunod na halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Lumutang ang usapin matapos banggitin ni Sen. Imee Marcos sa isang privilege speech ang umano’y mga hakbang para amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional Assembly.

Sa ipinakitang video ni Sen. Marcos, may mga alegasyon umano ng pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal hanggang 2031, pagpapababa sa minimum age requirement ng mga tatakbong pangulo, at kanselasyon ng 2028 presidential elections.

Nauna ring nagpahayag si VP Sara Duterte ng pag-asang matutuloy ang presidential elections sa 2028.

Samantala, itinanggi ni House Deputy Speaker and Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang alegasyong may usapan umano sa Kamara kaugnay ng no-election scenario at pagpapalawig ng termino kapalit ng suporta sa impeachment complaint laban kay Duterte.

Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya siniseryoso ang naturang alegasyon nang tanungin siya hinggil dito.