Tiniyak ng Commission on Filipino Overseas na nakikipag-ugnayan sila Inter-Agency Task Force Against Human Trafficking upang makatulong sa paglaban sa talamak ngayon na human trafficking.

Sinabi ni CFO Secretary ‘Leo’ Arugay na may naitala na rin sila ng kaso ng human trafficking na agad na idinudulong sa task force na pinamumunuan ng Department of Justice.

Ayon kay Arugay, bukod sa pagtulong sa kampanya laban sa human trafficking, tungkulin din ng kanilang tanggapan na matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso ng mga Filipino na nakapangasawa ng dayuhan, nagkakasakit at naaaksidente.

Sinabi din niya na patuloy ang kanilang ginagawang information dessimination laban sa human trafficking at iba pang mga issues na kinasasangkutan ng mga Filipino na nasa ibang bansa.

Idinagdag pa niya na tungkulin din ng Commission on Filipino Overseas na magbigay ng counselling at guidance sa mga umaalis na kababayan, lalo na ang mga mag-aasawa ng mga dayuhan upang matiyak na hindi sila magiging biktima ng human trafficking o hindi sila makakaranas ng pagmamaltrato mula sa kanilang mapapangasawa.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Arugay na pinapalawak pa ng CFO ang BaLinkBayan program kung saan ay natapos na silang gumawa ng link sa sa Tuguegarao City at Tuao, Cagayan at sa Cabagan, Isabela kahapon.

Sinabi niya na ang nasabing programa ay may layunin na i-link ang overseas Filipino workers sa social at economic development initiatives sa bansa at sa mga Local Government Units.

Ayon sa kanya, ito ay magsisilbing one-stop online portal na nagbibigay ng maraming pagpipilian para sa mga overseas Filipinos na maki-partner sa national at local governments sa pagsisimula ng negosyo, oportunidad para sa mga donasyon at iba pang volunteer service, at mabilis na ma-access online ang mga serbisyo ng pamahalaan.

Sinabi na batay sa kanilang monitoring, matagumpay naman ang nasabing programa ng Commission on Filipino Overseas.