Sumunod na rin ang Bureau of Fire Protection (BFP) Tuguegarao sa pagkakaroon ng sarili nitong bersyon ng community pantry.

Mga goods tulad ng gulay, bigas, delata, noodles, itlog at iba pang agricultural products ang libreng ipinamimigay ng tanggapan sa mga nangangailangan ngayong pandemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Fire Marshal Chief Inspector Fernando Noel De Leon, na ito ay inisyatibo ng kanyang mga tauhan na na-inspire sa mga inilunsad na community pantries sa lungsod at sa buong bansa.

Ayon kay De Leon, nag-ambagan ang mga BFP personnel sa pagbili ng mga food items at inilagay sa harapan ng kanilang tanggapan sa Brgy Centro 3 upang doon na magpunta ang mga residente at kumuha ng kanilang mga pangangailangan.

Tiniyak naman ng BFP Tuguegarao na nasusunod ang health protocol lalo na sa physical distancing at tamang pagsusuot ng facemask upang maiwasan ang pagkalat ng sakit o hawaan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa katunayan, sinabi ni De Leon na tumutulong rin sa pagpapatupad ng social distancing ang mga Brgy officials.

Ang nasabing inisyatibo ay unang ginawa sa Manila na layong matulungan ang higit na nangangailangan sa panahon ng pandemya kung saan maraming pamilya ang naapektuhan at nawalan ng trabaho.