Pirmado na ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) ang makasaysayang Comprehensive Economic Partnership Agreement o CEPA sa gitna ng two-day working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Abu Dhabi.

Sinaksihan ng Pangulo, kasama si UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang paglagda ng kasunduan sa sidelines ng Abu Dhabi Sustainability Week 2026 na ginanap sa Abu Dhabi National Exhibition Center.

Ang CEPA ang kauna-unahang free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa sa Middle East at itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng global trade footprint ng bansa.

Layunin ng kasunduan na pababain ang tariffs, palawakin ang market access ng goods at services, palakasin ang investment flows, at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa Filipino professionals at service providers sa UAE.

Saklaw ng CEPA ang mga strategic sectors gaya ng digital trade, MSMEs, sustainable development, intellectual property, competition and consumer protection, government procurement, at technical cooperation.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang makikinabang dito ang mga pangunahing Philippine exports tulad ng saging, pinya, canned tuna, electronics, at machinery.

Noong 2024, umabot sa halos 1.83 billion US dollars ang bilateral trade ng Pilipinas at UAE, kung saan ika-18 ang UAE sa pinakamalalaking trading partners ng bansa at kumakatawan sa halos 39 percent ng Philippine exports sa Middle East.

Batay sa preliminary studies, posibleng tumaas ng mahigit siyam na porsiyento ang Philippine exports sa UAE sa ilalim ng CEPA, kasabay ng inaasahang consumer savings at mas matibay na trade linkages sa Gulf region.

Kasunod ng signing ceremony, nagkaroon din ng maikling bilateral meeting sina Pangulong Marcos at UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, na ikalawang beses na nilang nagkita mula noong November 2024, hudyat ng patuloy na pagpapalalim ng ugnayan ng Pilipinas at ng UAE.