Computerized sketch ng suspek na tinukoy ng dalawang testigo sa kanilang paglalarawan.

Tiwala ang Philippine National Police na mahuhuli na sa lalong madaling panahon ang suspek sa pagbaril patay sa punong Barangay ng Lallayug sa bayan ng Tuao.

Ito’y matapos isapubliko ng Cagayan Police Provincial Office ang official sketch ng suspek na itinuturong bumaril at pumatay kay Barangay chairman Orlino Gannaban at pagkakasugat ng kanyang tanod.

Si Gannaban ay pinatay nitong ika- 27 ng Mayo habang pasakay ng kanyang motorsiklo sa harap ng barangay hall.

Batay sa paglalarawan ng mga testigo, sinabi ni Police Major Reymund Asistores, hepe ng Tuao-PNP na tinatayang nasa tatlumput lima hanggang apatnapung taong gulang ang edad ng suspek na may taas na 5’3 hangang 5’5.

Ayon kay Asistores, may kaputian din ang suspek, bilog ang mukha at pantay-suklay ang buhok.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nangangalap na ang pulisya ng karagdagang impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek.

Hinimok ni Asistores ang publiko na ipagbigay alam sa pulisya ang anumang impormasyon na makakatulong sa paglutas ng krimen.