Magsisimula sa Lunes, Pebrero 23, ang kumpirmasyon ng mga singil laban sa dating pangulo Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Ayon sa ICC, gaganapin ang sesyon mula 10 a.m. hanggang 3 p.m. lokal na oras sa The Hague (5 p.m. hanggang 10 p.m. oras sa Pilipinas) sa Courtroom I ng Pre-Trial Chamber I.

Ang mga kasunod na pagdinig ay itinakda sa Pebrero 24, 26, at 27.

Sa mga sesyong ito, ilalahad ng Prosecution, Defence, at mga abogado ng mga biktima ang kanilang mga argumento sa mga hukom.

Ang bawat panig ay may nakalaang oras para sa oral presentation: ang Prosecution ay may 30 minuto para sa opening statements, 2 oras at 30 minuto para sa submissions on the merits, at 30 minuto para sa closing statements; ang mga Common Legal Representatives of the Victims (CLRV) ay may 30 minuto para sa opening, 1 oras at 30 minuto para sa submissions, at 30 minuto para sa closing; habang ang Defence ay may 30 minuto para sa opening, 3 oras at 30 minuto para sa submissions, at 30 minuto para sa closing.

Ayon sa ICC, maaaring mabago ang iskedyul depende sa daloy ng mga pagdinig, at maaaring mapanood online na may 30 minutong pagkaantala sa ICC website, Facebook, at YouTube.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng kumpirmasyon ng charges na tukuyin kung may sapat na ebidensya upang paniwalaan na nagawa ng akusado ang bawat krimen na nakasaad sa kaso.

Kung ma-kumpirma ang isa o higit pang charge, ililipat ang kaso sa Trial Chamber para sa susunod na yugto ng paglilitis.

Itinakda rin ng Chamber ang Pebrero 16 bilang deadline para sa pagsusumite ng mga argumento, pagtutol, at komento kaugnay ng kaso.