
Sinuspinde ng 60 araw si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ng House Ethics Committee dahil sa umano’y ‘unethical‘ behavior kasunod ng sunud-sunod na atake sa gobyerno at pagpo-post ng malalaswang larawan ng mga babaeng nakabikini sa Facebook.
Sa botong 249-6-11, pinagtibay ang rekomendasyon suspindihin si Barzaga nang walang matatanggap na sahod.
Ayon kay 4Ps Partylist Rep. Jonathan Clement (JC) Abalos, Chairman ng House Ethics, ang ikinilos ni Barzaga ay isang paglabag sa mabuting asal bilang miyembro ng Kamara.
Matapos ilabas ang rekomendasyon ay tumayo si Barzaga sa plenaryo at sinabing buong puso niyang tinatanggap ang desisyon ng komite sabay batikos kay Pangulong Marcos dahilan para patayan siya ng mikropono.
Ikinatwiran ni Barzaga na ang kinukuwestiyong Facebook post niya ay pinoprotektahan sa political speech at in good faith umano sa public discourse kaugnay ng malalang korapsyon sa flood control projects.










