Pinangalanan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Arrey A. Perez na isa sa mga opisyal ng ahensiya na may kaugnayan sa contractors.
Ginawa ni Leviste ang pagbubunyag matapos na hilingin sa kanya ni DPWH Secretary Vince Dizon na pangalanan ang mga opisyal na konektado sa mga contractor na sangkot sa kontrobersiyal na flood control projects.
Sinabi ni Leviste na batay sa nakuha niyang impormasyon, itatalaga si Perez sa procurement o bidding ng major projects sa DPWH central office.
Kasabay nito, iginiit ni Leviste na dapat na mag-focus sa pag-reporma sa sistema, at huwag isipin na ang pagpapalit ng mga tao na humahawak sa bidding ay magreresulta sa pagkawala ng korupsyon.
Sinabi ni Leviste na magsasagawa ng imbestigasyon si Dizon kung magbibigay siya ng mga pangalan, kaya nagbigay siya ng pangalan, at bahala na si Dizon na alamin ang lawak ng koneksiyon ni Perez sa contractors.
Matatandaan na sinabi ni Leviste kahapon na may ilang miyembro ng team ni Dizon sa DPWH ay mga contractor o nakipagkita sa mga contractor.