Dawit umano sa mga maanomalyang flood control projects ang kongresista na nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na isa sa walong contractors na nabanggit sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang Pusong Pinoy Party-list na kinatawan si Representative Jett Nisay sa iniimbestigahan na flood control projects.

Matatandaan na inirekomenda ng ICI noong buwan ng Nobyembre ang pagsasampa ng reklamong kriminal at administratibo laban sa maraming “congtractors” o mga mambabatas na sinasabing nagmamay-ari ng construction firms na nakakuha ng mga proyekto sa pamahalaan.

Sinasabing si Nisay ay may koneksyon umano sa JVN Construction and Trading, na nabigyan umano ng tatlong infrastructure projects mula 2021 hanggang 2022, na may halaga na mahigit P73 million.

Batay sa ICI referral noong Nov. 26, ang JVN Construction and Trading ay sole proprietorship na pagmamay-ari ni Nisay, na nagsisilbing kinatawan ng Pusong Pinoy Party-list buhat noong 2022 hanggang sa kasalukuyan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit ni House Speaker Faustino Dy III na wala siyang nakikitang basehan para bigyang katuwiran ang impeachment complaint laban kay Marcos.

Kasabay nito, sinabi ni Dy na hindi dapat na ginagamit ang impeachment complaints sa pamumulitika.

Ipinaliwanag pa ni Dy na ang pagtutuunan ng pansin ng Kamara sa pagbubukas ng sesyon ang paglikha ng mga mahahalagang batas.

Sinabi naman ni Manila Rep. Joel R. Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability
na tatanggapin at ipoproseso ang inihaing impeachment complaint laban kay Marcos batay sa Konstitusyon at House Rules.