Kulong ang isang construction worker matapos mahulian ng mga bala at hinihinalang shabu sa isinagawang paghahalughog ng mga otoridad sa Centro 7, Aparri, Cagayan.
Ayon kay PCAPT Tristan John Sambali, hepe ng PNP Aparri na matagumpay na hinalughog ng mga otoridad ang bahay ng suspek na si si Popong Malana sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte.
Sinabi niya na ang operasyon nila ay nagresulta sa pagkakarekober ng apat na bala ng Caliber 45, 12 piraso o sachet ng hinihinalang shabu, isang basyo ng transparent plastic sachet at iba pang drug paraphernalia.
Saad ni Sambali, matapos makumpiska ang mga ito ay agad na isinailalim sa laboratory test ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu upang matukoy kung ilang gramo at magkano ang halaga nito.
Si Malana ay dati na umanong sumuko noong 2016 sa pulisya at sumailalim sa community based rehabilitation program ngunit nang manmanan ng mga otoridad ay bumalik ito sa dating gawain.
Sa ngayon ay nahaharap na naman siya sa kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunation Act at RA 9165 o Comprehenssive Dangerous Drugs Act of 2002.
Inihayag pa ni Sambali na si Malana ay iniuugnay din sa umanoy kamag-anak niya na si alyas Potpot na nahuli kamakailan sa Ilocos Norte.
Nabatid na si alyas potpot ay itinuturing na High Value target kung saan tinatayang nasa halos tatlong milyong piso ang halaga ng mga hinihinalang shabu ang nahuli sa kanya sa ikinasang operasyon sa Sitio Uno, Barangay 16, San Nicolas.
Sinabi ni Sambali na nagsasagawa na ang kanilang hanay ng malalimang imbestigasyon kung may grupo ba ang mga ito upang matukoy din kung nagsasagawa sila ng drug trade operations at kung saan sila kumikilos.