Patay ang isang construction worker sa bayan ng Aparri, Cagayan matapos na makuryente.

Kinilala ni PMAJ Joel Labasan, hepe ng PNP Aparri ang biktima na si Francisco dela Cruz, 47 anyos, walang asawa at residente ng Barangay Paraddun.

Sinabi ni Labasan na itinawag sa kanilang himpilan kagabi ng foreman ng ginagawang gym sa Paraddun Elementary School ang insidente.

Sa kanilang imbestigasyon, kahapon ng hapon nang bumaba ang biktima kasama ang dalawang iba mula sa taas ng gym nang maapakan nila ang steel scaffolding na may nakakabit na open wire.

Dumikit umano ang biktima sa scaffolding na may dumadaloy na kuryente dahil nakapaa-paa siya habang ang kanyang dalawang kasamahan ay nakatalon dahil sila ay naka-sapatos.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi agad natanggal sa pagkakadikit ang biktima dahil sa kinailangan pa takbuhin ang nakasaksak sa isang outlet sa isang silid-aralan na may kalayuan sa gym.

Agad na dinala ang biktima sa barangay health center para sa first aid bago inilipat sa Ballesteros District Hospital, subalit idineklara siyang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Samantala, sinabi ni Labasan na limang bahay ang nasira dahil sa pananalasa ng ipo-ipo kamakailan sa Aparri.

Ayon sa kanya, unang nanalasa ang ipo-ipo sa Brgy. Macanaya kung saan dalawang bahay ang lumipad ang mga bubong habang tatlo naman sa Brgy. Dodan.