Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang 55-anyos na construction worker matapos itong magtamo ng saksak mula sa nakaalitang tricycle driver sa Sanchez Mira, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Robert Rosales habang ang suspek ay si Mark Constantino, 33-anyos at kapwa residente sa Barangay Centro 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCpl Emer Labog ng PNP-Sanchez Mira na nagumpisa ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa nang nagtanong ang suspek kung saan ang patay na ikinagalit ng biktima.

Nabatid na laging magkasama ang dalawa sa mga sugal tuwing patay sa kanilang bayan.

Ayon kay Labog, nakikipag-inuman sa loob ng canteen ang biktima noong gabi ng October 23 nang hinimas nito ang mukha ng suspek at sinuntok sa kanyang tiyan.

-- ADVERTISEMENT --

Di pa nakuntento ay kinuha ng biktima ang isang dos por dos na kahoy na may habang 5 feet at pinalo sa suspek kung saan nabali ang kahoy.

Dahil dito, ipinalo ng suspek ang nabaling pamalo at binunot ang kutsilyo sa kanyang baywang at inundayan ng saksak ang biktima.

Nagtamo ng anim na saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Samantala, kusang loob namang sumuko ang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng pulisya na sinampahan ng kasong homicide.