Binatikos ng isang consumer group ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na 9 sa bawat 10 basic at prime commodities ay hindi umano tumaas ang presyo.

Ayon sa DTI, sa kabuuang 205 basic necessities at prime commodities, 186 o katumbas ng 91 porsiyento ang walang pagbabago sa presyo.

Ngunit ayon kay Suki Network Spokesperson Amihan Mabalay, taliwas sa sitwasyon sa merkado ang naturang pahayag dahil marami umanong produkto ang walang suggested retail price o SRP ngunit patuloy pa ring tumataas ang presyo.

Kabilang umano rito ang ilang brand ng sardinas, de-latang karne, instant noodles, kape, pati na rin ang mga sabong panglaba at toilet soap.

Dagdag pa niya, lalo pang pinapabigat ng value-added tax at excise tax sa produktong petrolyo ang gastusin ng mga mamimili.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy namang binabantayan ng consumer group ang galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ngayong taon.