Laya na at makakasama na nila ang kanilang mga mahal sa buhay lalo na sa panahon ng Kapaskuhan ang mga nabilanggong personalidad na pina-contempt ng House Quad Comm.

Ito ay nang tuluyan nang alisin ng naturang komite ang contempt order laban sa mga personalidad at opisyal na ikinulong sa correctional institute for women at sa detention facility ng Kamara.

Sa huling pagdinig ng Quad committee, naghain ng mosyon si co-chairman at Abang lingkod Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, dahilan para maalis ang contempt order kina Cassandra Ong, ang incorporator at kinatawan ng Whirlwind Corporation at Lucky South 99.

Bukod kay Ong, binawi na rin ang contempt order laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping; Tony Yang, na naka-confine sa ospital ng Taguig City; at Police Major Leo Laraga, na nagsilbi ng search warrant sa selda ni dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Ayon kay Quadcomm overall lead chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang desisyong alisin ang contempt order ay para ikunsidera ang diwa ng kapaskuhan upang makasama ng mga ito ang kanilang pamilya sa araw ng pasko.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, nanindigan ang quadcomm, na hindi pa rin aalisin ng komite ang contempt at arrest order laban kay dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na hanggang ngayon ay nagtatago umano sa ibang bansa.