Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na huwag masangkot sa electioneering o partisan political activities sa graduation at moving-up ceremonies para sa School Year 2024-2025.

Inilabas ni Education Secretary Sonny Angara ang Department Memorandum No. 27 s. 2025, na nagpapaalala sa lahat ng DepEd officials, teaching at non-teaching personnel na bawal silang makisawsaw sa political activities, batay na rin sa umiiral na mga polisiya.

Itinakda ng DepEd ang mga aktibidad sa pagtatapos ng school year sa April 14-15, para sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, at Grade 12, maging sa Alternative Learning System (ALS) learners.

Iginiit din ng ahensiya na gawing simple subalit makabuluhan ang graduation at moving-up ceremonies at isasagawa ng walang malaking gastos, magagarang kasuotan, o sa mahal na venues.

Hindi rin pinapayagan ang mga DepEd personnel na mangolekta ng anumang kontribusyon o fee para sa mga nasabing seremonya.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa memo, ang gagamtin sa mga nasabing aktibidad ay mula sa maintenance and other operating expenses (MOOE)ng eskwelahan.

Pinapayuhan din ang mga paaralan na isagawa ang kanilang EOSY rites sa indoor venues na may sapat na ventilation o covered courts para maiwasan na malantad sa matinding init at iwasan na isagawa ang mga ito sa oras na mataas ang temperatura.