Umaasa si House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan na maglalabas ng utos para sa pagtataas ng minimum na sahod ang anim pang rehiyon na hindi pa nakakapagpatupad nito bago matapos ang taon.

Ayon kay Libanan, sa 17 rehiyon sa bansa, anim ang hindi pa nagpapatupad ng dagdag sa minimum wage, ayon sa rekord ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) hanggang Nobyembre 3.

Ang hindi pa nagpapatupad ng taas-sahod ay ang Cordillera Administrative Region (CAR), MIMAROPA (Region IV-B), Eastern Visayas (Region VIII), Zamboanga Peninsula (Region IX), Northern Mindanao (Region X), at Caraga (Region XIII).

Ayon kay Libanan, ang pinakahuling naglabas ng utos para sa pagtataas ng minimum wage ay ang Western Visayas (Region VI) na nagkakahalaga ng P40 kada araw o magiging P550 na simula Nobyembre 19.

Batay sa survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Setyembre 27 hanggang 30, sinabi ni Libanan na ang pagtataas sa sahod ng mga manggagawa ang ikatlong pinaka-“most urgent national concern” ng mga Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --